Sadyang kay buti ng mga guro ko sa eskuwelahan. Ang mga klase ko sa second floor ay naibaba na rin sa first floor pero sa hapon, aakyat ako sa computer lab. dahil andoon sa second floor iyon.
Ayaw ko mang aminin sa mga guro't klasmeyts ko na nahihirapan na ako, ramdam nila ang bawat pagbuntong-hininga ko subalit pinapalakas nila ang loob ko at sabing isang hakbang nalang at magiging isang guro na ako. Gusto ko nang sumuko talaga dahil ang hirap lumakad pero gusto kong makapagtapos at patunayan sa mga tao na kaya kong mag-aral kahit ganito ako. Kapag hapon nga'y mag-isa akong kumakain ng aking tanghalian dahil lahat sila'y kumakain sa labas. Wala akong ginawang iba kundi kausapin ang sarili ko subalit minsan, may mga punto na ako'y napapaluha na lamang sa mga nangyayari. Kaakibat na siguro ng aking pagiging ganito ang pagtulo ng aking mga luha. Pero sadyang makapangyarihan ang dasal. Hiniling ko sa Diyos na sana may isa o dalawa akong kasama na kumain sa tanghalian dahil kaoag nag iisa ako'y naiisip ko lahat ng mga masasaklap na nangyari sa aking buhay. At sa paghiling kong iyon, nagkatotoo na may dalawa akong klasmeyts na nagbabaon pala at ngayo'y apat na kami kaya masaya ako kahit papaano. Naiibsan ang aking lungkot at lumbay. Minsan nga kinamumuhian ko ang sarili ko. Kahit pumunta pa ako sa mga malalayong lugar, hindi ko pa rin maitakwil ang tanda ng nakaraan. Kumukuyos lalo ang aking damdamin.
Sana isama niyo ako sa inyong mga dasal na sana'y makayanan kong lakarin ang mga tinik sa daanan upang ako'y magtagumpay. Dahil isinasama ko na po kayo sa aking mga dasal. Maraming salamat sa patuloy niyong pagkokomento rito. Mahal ko kayo!


