Minsan, naisip ko na parang walang tao na nakalaan para sa akin. Kung saan-saan ko hinanap ang love pero parang kay saklap ang aking kapalaran pagdating sa pagmamahal.
Nangako ako sa sarili ko na hindi na ako magmamahal pa dahil sa iniwang bakas ng aking pinakamamahal. Ang puso ko'y puno ng pighati't kalungkutan. Sinubukan kong ibinaling sa iba ang aking pangungulila sa kanya pero hindi ko lubos na magawa sapagkat nakakubli pa rin ang pagmamahal ko sa kanya sa kabila ng lahat. Sa sambit niya noon, hihintayin daw ako hanggang makapagtapos ako sa Kolehiyo at kami'y magsasama. Sa matagal ring panahon na naging kami, siguro masasabi ko na mahal na rin niya ako. Nakilala ko siya noong nasa High School pa ako, 3rd year ako noon at naging kami lang noong 4th year na kami hanggang ngayon pero noong nakaraang September 2010, naging malamig na ang aming pagsasama. Hindi na siya nagparamdam maski sa text man lang. Hindi ko na alam kung nasaan siya ngayon pero ang pagkakaalam ko ay nasa Maynila siya upang magtrabaho at makapag-ipon. Dahil sa ganoong pangyayari, hindi ako nagdalawang isip na tawagan ang kanyang number pero sa kasawiang palad, ang kapatid naman niyang lalake ang nakasagot sa aking tawag. maski daw sila ay walang balita tungkol sa kanya. Walang oras na hindi ko siya inaalala. Pinapanalangin ko na isang araw ay surpresahin niya ako sa bahay namin. Halos tinawag ko na lahat ng mga Santo at mga disipulo ng Panginoon para lamang maalam kung ano na ang nangyari sa kanya ni wala nang luha na pumapatak sa aking mga palad dahil sa kahahagulgol sa kanyang paglisan. Gusto ko lang naman iparamdam sa kanya na hindi ko siya makalimutan sa puso't isipan ko. mabuti na lamang at andiyan yung kapatid niya, na kaboses niya mismo at sa kanya ko ibinabaling ang aking pangungulila. Iniisip ko na lamang na kahit papaano'y nakakausap ko siya doon ay masaya na ako pero iba pa rin ang pakiramdam kapag siya mismo iyon. Ngayon, sinusubukan ko na siyang kalimutan pero imbes na makalimutan ko siya, naaalala ko siya saan man ako tangayin ng hangin. Hindi ko alam kung maniniwala pa ako sa kanyang mga ibinigkas pero parang nawawalan na ako ng pag-asa. Nalulungkot na ako parati. Hindi ko maitanggi na siya pa rin at wala ng iba ang laman ng puso ko.
Hanggang ngayon, umaasa pa rin ako na babalik siya dahil wala na akong alam na isipin kundi siya at nangangarap na sa pagdilat ng aking mga mata'y siya ang una kong matutunghayan. Malayo man siya sa akin, mamahalin ko pa rin siya. Alam ko na may plano pa ang Diyos para sa aming dalawa.





