Ang dami nang nagbago simula noong mawalan ako ng isang paa. Ramdam ko sa sarili ko na parang wala na akong silbing tao dito sa mundo at isa sa mga talento ko'y nawala na dahil sa nangyaring ito sa akin.
Sa unang operasyon ko, akala ko gagaling na ako, akala ko magiging maayos din ang lahat at akala ko babalik na ang buhay ko sa dati pero nagkamali ako at habang buhay kong tatanungin sa sarili ko kung bakit ito nangyari sa akin, kung bakit ako pa na magaling sumayaw ang dinapuan ng sakit na iyon. Sa pagbangon ko araw-araw, naaalala ko ang mga pinagdaan ko, bawat tusok sa akin ng karayom noo'y parang kahapon lamang nangyari. Hindi na lamang ako umiiyak dahil alam ko na hindi na mababawi ang mga nangyari at dahil wala namang maidudulot na maganda ito sa akin. Kumakapit na lamang ako sa Panginoon upang bigyan pa niya ako ng lakas para ipagpatuloy pa ang mabuhay. Gusto kong makatapos sa pag-aaral; gusto kong may maipagmamalaki ako sa aking sarili at pamilya subalit parang nawawalan na ako ng pag-asa at lakas ng loob para maabot ko ang aking mga pangarap. Akala ko madali ang mawalan pero mahirap pala, mas mahirap pa sa mga karayom na sumugat sa puso't katawan ko. Sa araw-araw naman na pumapasok ako sa eskuwelahan, hindi madaling makisalamuha sa kapwa tao lalo na't pinagtitinginan nila ako. Pangamba pa rin ang nananaig sa puso ko dahil baka may mangyaring hindi mabuti sa akin sa eskuwelahan subalit kinakaya ko lahat ng mga pagsubok kahit na hindi madaling gawin iyon at kahit na kirot at sakit ng loob ang nararanasan ko. Nakakaramdam rin ako ng kahinaan minsan. Kahinaang hindi ko lubos malabanan at hindi ko lubos matanggap pero ang mga kahinaang iyon ay lumilipas din. Iniisip ko na lamang na kailangan ako ng aking pamilya at mga kaibigan. Sa ganoong paraan ay nagiging masaya ako at nabibigyan ako ng buhay para tapusin ang aking nasimulan. Alam ko na may Diyos na gumagabay at tumutulong sa akin at hindi ako pinababayaan. Sa kanya ko na lamang pinapaubaya ang lahat ng nangyayari sa buhay ko. Sabi ko sa Panginoon, handa na akong pumanaw dito sa mundong ito. Pagod na akong mabuhay at lumaban pa sa pakikibaka sa buhay pero hindi ganoon kadaling mawala dahil kailangan mo pang daanan ang mga mabato at batik-batik na bato para matunton mo ang tuktok ng tagumpay.
Tanggap ko mang ganito na ako, na hindi na ako gaya ng dati, hindi ko pa rin maalis at tanungin sa sarili ko kung bakit ako pa ang naging ganito. habang nabubuhay pa ako, hindi ako susuko sa anu mang unos na darating sa aking buhay dahil ang mga pagsubok ay parang abono na nagbibigay ganda at kaakit-akit pa ang isang halaman habang ito'y lumalaki at lumalago.
Hanggang sa muli po!!!




