Talangka Ka Ba?
ni Emmanuel Mateo
Sa aking lalamuna’y isa kang plema
Na humahadlang sa aking paghinga
Sa inggit at ganid lamang nag-ugat,
Kaya kailangan nang iubo’t idura.
Sa mapanghamong paglalakbay
Sa daang matarik ng buhay
Sa paa’y tinik na bumabaon,
Pinipigilan ang aking pag-usbong.
Ilang beses na akong inanod
Tinatangay nang pilit ng ‘yong agos
Ngunit susuungin ko ang iyong baha
Lalabanan ko hanggang sa humupa.
Haplos ng kadena’y ramdam ko
Iginapos mo ako’t ibinilanggo.
Subalit huwag kang mabahala’t mag-alala
Tiyak sa akin, papanig ang paglaya.
Hilain mo man ako pababa ng pababa
Lakas-loob na lalabanan din kita
Kahit isanla ko pa ang aking dungan,
Upang manatili ka pa rin sa pusalian