Ngayon na pala ang huling araw ng Agosto. Parang kailan lang ay nasa bahay palang ako, nakahiga at nagpapahinga dulot ng aking malalang sakit.
Habang papalayo ako sa luma kong buhay ay papalit naman ang mga bagong pagsubok na aking kinakaharap. Gustuhin ko mang sumuko pero hindi pwede dahil may gusto akong patunayan sa mga tao. Ngayong Agosto, ang daming nangyari sa eskuwelahan at maging sa akin. May mga bagay na hindi ko nagustuhan, mga bagay na nagdulot sa akin ng sama ng loob at pagkukunwaring masaya. Nahahabag ako sa aking sarili dahil sa mga nangyaring iyon sa akin. Hindi man makita ng mga kaibigan at mga klasmeyt ko ang nangyayari sa aking buhay, ramdam nilang nahihirapan na ako pero sabi ko sa kanila, hindi ako dapat sumuko sa anu mang laban. Minsan pa nga gusto kong humikbi pero pinipilit kong kinikimkim sa puso't isipan ko para lang hindi nila mapansin na hindi ko na pala kinakaya ang aking sitwasyon. Akala nga ng ibang tao eh kaya kong mag-isa. Na kaya kong buhatin ang dalawa kong paa sa mapanghamong landas na aking tinatahak bilang isang studyante. Alam ko namang may Diyos na gumagabay sa akin na kahit anong mangyari'y hindi niya ako iiwanan. Tanggap ko naman ang aking kapalaran pero nandito pa rin sa aking puso ang pagkasambit na parang wala na akong silbi. Sana kunin na ng ating Maykapal ang aking dungan patungong sulad para mawakasan na ang mga gulo at mga pagsubok na ito sa aking buhay. Kaya ko pa kayang magpatuloy upang makamit ang aking mga minimithi? Kaya ko pa kayang makawala sa tanikalang naigapos sa aking mga kamay? Kaya ko pa kayang maglakad at magpatuloy sa mapusok na daanan?
Kaakibat na ng aking pagdurusa ang pagluha dahil sa bawat araw na dumarating sa aking buha'y nandon pa rin ang kirot sa aking puso pero ako'y lalaban sa anumang unos na aking haharapin.