Father's Day pala ngayon. Nalaman ko lang nang nagtext ang isa kong kaibigan na nagpasa ng father's day quote. Hindi ko ito ipinagdiriwang o pinapahalagahan dahil wala akong ama.
Kay sayang masilayan ang mga taong dumaraan sa tapat ng aming bahay. Masay sila kahit pa mahirap ang buhay nila. Lubos akong nalulungkot at nangungulila. Gusto ko ring maranasan kung paano magmahal ang isang ama sa kanyang anak. Hindi ba niya ako inisip kahit minsan lang? hindi ba niya napagtanto na kailangan ko rin ang kalinga? Gusto ko siyang hanapin subalit mahina pa ang aking bagwis upang isagawa ko ang landas na iyon. Noong nabubuhay pa ang aking lolo, sa kanya ko ibinabaling ang pangungulila ng isang ama. Sa mga paghaplos niyang iyon noo'y waring nagpapahiwatig na ang pagmamahal ng isang ama ay parang ilaw na binibigyang ningning ang bawat sandali ng iyong buhay. Sa ngayon, sanay na akong walang ama. Hindi ko siya kailangan. Hindi ko man siya kinamumuhian, hindi ko pa rin matanggal sa isip ko ang pag-uyam sa kanya, ang pagiging iresponsable niyang ama.
Happy Father's Day na lang sa inyong ama, tatay, daddy, papa, fudraka t kung ano pa ang itinatawag ninyo sa kanya. Mahalin niyo siya gaya ng pagmamahal ninyo sa inyong ina. Kahit magkamali siya, huwag ninyong kakalimutan na siya ang inyong haligi sa tahanan dahil kapag walang ama sa isang tahanan, para bang walang ikapitong langit na ating tinatamasa.