Wednesday, August 31, 2011

August, puno ng disgust

          Ngayon na pala ang huling araw ng Agosto. Parang kailan lang ay nasa bahay palang ako, nakahiga at nagpapahinga dulot ng aking malalang sakit.
          Habang papalayo ako sa luma kong buhay ay papalit naman ang mga bagong pagsubok na aking kinakaharap. Gustuhin ko mang sumuko pero hindi pwede dahil may gusto akong patunayan sa mga tao. Ngayong Agosto, ang daming nangyari sa eskuwelahan at maging sa akin. May mga bagay na hindi ko nagustuhan, mga bagay na nagdulot sa akin ng sama ng loob at pagkukunwaring masaya. Nahahabag ako sa aking sarili dahil sa mga nangyaring iyon sa akin. Hindi man makita ng mga kaibigan at mga klasmeyt ko ang nangyayari sa aking buhay, ramdam nilang nahihirapan na ako pero sabi ko sa kanila, hindi ako dapat sumuko sa anu mang laban. Minsan pa nga gusto kong humikbi pero pinipilit kong kinikimkim sa puso't isipan ko para lang hindi nila mapansin na hindi ko na pala kinakaya ang aking sitwasyon. Akala nga ng ibang tao eh kaya kong mag-isa. Na kaya kong buhatin ang dalawa kong paa sa mapanghamong landas na aking tinatahak bilang isang studyante. Alam ko namang may Diyos na gumagabay sa akin na kahit anong mangyari'y hindi niya ako iiwanan. Tanggap ko naman ang aking kapalaran pero nandito pa rin sa aking puso ang pagkasambit na parang wala na akong silbi. Sana kunin na ng ating Maykapal ang aking dungan patungong sulad para mawakasan na ang mga gulo at mga pagsubok na ito sa aking buhay. Kaya ko pa kayang magpatuloy upang makamit ang aking mga minimithi? Kaya ko pa kayang makawala sa tanikalang naigapos sa aking mga kamay? Kaya ko pa kayang maglakad at magpatuloy sa mapusok na daanan?
          Kaakibat na ng aking pagdurusa ang pagluha dahil sa bawat araw na dumarating sa aking buha'y nandon pa rin ang kirot sa aking puso pero ako'y lalaban sa anumang unos na aking haharapin.

Wednesday, August 24, 2011

Buwan ng Wika

          Marami nang nangyari sa buhay ko kamakailan lamang. Gustuhin ko mang ibahagi sa inyo pero wala akong panahon para i update ang blog ko.
          Noong Lunes, August 22, nagkaroon kami ng patimpalak ukol sa Buwan ng Wika. Kahit mahirap, ako ang naatasang magturo sa kanila sa Sabayang Pagbigkas na "Ako'y Wika". Namayani ang kaba at pangamba sa aking puso. Sa unang praktis namin, hindi masiyadong kaaya aya ang resulta kaya panay ang galit ko sa kanila. Noong nakaraang sabado, magtatalaga sana ako ng praktis pero hindi sila sumang ayon dahil pagod raw sila. Wala akong nagawa sa araw na iyon. Hanggang sa sumapit ang lunes, nakapraktis kami pero hindi namin natapos lahat ang piyesa. dumating ang martes hanggang biyernes; hindi pa namin natapos lahat ang piyesa. Wala kasi silang disiplina kaya nagalit na naman ako. Hindi nila inisip ang aking sitwasyon dahil akoy nagsasakripisyo para sa kanila. Kinabukasan, sabado na iyon at kami'y pumunta kung saan-saan para lang makapag praktis. Hanggang sa nakakita kami ng maayos na lugar pero wala pa ring kooperasyon. Ang boses nila, ang hihina parang wala silang ganang magpraktis. Nagalit at nainis na naman ako sa kanila. Ang choreography hindi ko pa natapos dahil rin sa kanila. Hapon na noong natapos kaming magpraktis pero itutuloy pa rin namin hanggan sa paglubog ng araw. Tinanong ko sa mga ka klasmeyt namin kung bakit ganoon sila at siya'y nagkuwento sa akin. Sabi niya, masungit raw ako masiyado at minsan pinepersonal ko raw ang pagiging pagkamasungit ko. Sabi ko, hindi naman ako ganun. Kung may nasabi man akong masama, sa kagagawan rin nila iyon at kapag wala nang praktis, nagiging normal na ang pakikitungo ko sa kanila. Dagdag pa niya. Almost of the group eh nagrereklamo na sa akin. Nagmeditate ako. Inisip ko ang mga sinabi at ginawa ko and I prayed. Kaya pala ganoon sila dahil may mga negative feedbacks na sila sa akin. Hindi ko na lang inisip ang mga iyon basta nagpatuloy na lamang kami sa pagpraktis at ayon, naging maganda ang usad. Nakita rin nila na maganda pala ang kanilang sabayang pagbigkas.
           Sumapit ang August 22; iyon ang araw ng contest. Kaming lahat ay kabado dahil maraming kalahok. To cut the story, hindi kami nanalo. Maganda sana yung sa kanila pero kulang kami sa praktis. Kahit ganoon, ibinigay nila ang kanilang makakaya para maging maganda ang resulta.

                                         Hanggang sa muli!!!